Festivals, Reviews

QCinema 2019: ‘Kaaway sa Sulod’ – Pelikula ng mga Diyalektiko

Si Arnel Barbarona na marahil ang isa sa mga pinakamatingkad na pangalan sa kasalukuyan tuwing pinag-uusapan ang sineng Mindanao. Patunay ang tagumpay ng pelikula niyang Tu Pug Imatuy (The Right to Kill) na nanalo ng Best Picture sa Sinag Maynila 2017 at pinangaralan ng 1st Place Grand Jury Prize sa FAMAS 2018 na may puwang, lalo ngayong higit na may pangangailangan para sa mas diverse na representasyon ng mga rehiyunal na kultura sa ating pagbubuo ng pambansang pagkakakilanlan. May partikular na interes si Barbarona sa pagpapakita ng mga epekto ng armadong pakikibaka sa kanayunan gamit ang lenteng maka-Kaliwa; matapang ang pagbangga sa naratibo ng gubyerno’t kasundaluhan. 

Lalong kuminang ang ganitong tema sa bago niyang pelikulang Kaaway sa Sulod (The Enemy Within). Pinagbibidahan nina Dionne Monsanto, Dax Alejandro, at Perry Dizon, ito ay tungkol sa dalawang babae, isang Pulang mandirigma (Lai) at isang sundalo (Raiza, parehong ginampanan ni Monsanto) na nagtagpo sa isang engkwentro at nakitang sila’y eksaktong magkamukha. Gumagamit ang pelikula ng fantastical na elemento ng doppelgänger para ipakita ang binary oposisyon ng pampulitikang paninindigan ng GRP-AFP at CPP-NPA, na kahit sila’y parehong gumaganang sistema ng gubyerno ay magkasalungat ang mga isinusulong nilang interes. Sa isang banda, ang CPP-NPA ay lubog sa gawaing masa, itinataguyod ang para sa kanila’y hustisyang panlipunan sa pamamagitan ng asasinasyon sa isang kilalang berdugo. Sa kabilang banda naman, ang GRP-AFP ay abala sa mga lihim na pakikipagkita sa mga negosyante’t panginoong maylupa, aktibong lumalahok sa pagbuwag ng mga piket at unyon kapalit ng maruming pera. 

Maraming hinihiram na kuwento mula sa totoong buhay ang Kaaway sa Sulod. Isa na rito ang karakter ni Heneral Rapatan (Perry Dizon) na may malapit na pagkakahawig sa retiradong Heneral na si Jovito Palparan na noong nakaraang taon ay nahatulan ng hanggang 40 taong pagkakakulong para sa kasong kidnapping at serious illegal detention at pagkakasangkot sa pagkawala ng mga aktibistang sina  Karen Empeño at Sherlyn Cadapan noong 2006. Sa isang bahagi ng pelikula, nagkaroon pa ng mahabang monologo si Rapatan, idinedetalye ang mga materyal na batayan ng digmang bayan at nagbubukas ng historikal na diskusyon kung paano nabuo at bakit patuloy na lumalakas ang mga subersibo/rebolusyonaryong grupo sa kabila ng pagsisikap ng mga puwersa ng gubyerno na supilin sila. 

Matalas ang pulitikal na diskursong hinahain ng pelikula sa antas ng teorya; maayos ang pagpapakita ng diyalektikong ugnayan ng Kaliwa at Kanan. Higit pa, hindi nagpahulog sina Barbarona sa bitag ng multi-perspectivism na tila ba magkapantay at parehong valid ang dalawang panig. Malinaw ang tindig nito kung ano ang mas justified sa dalawang grupong lumalahok sa marahas na digma. Higit sa lahat, napaninindigan nito ang esensya ng pagiging indie film, na bukod sa gumagalaw sa labas ng mainstream na hulma ng paggawa ng pelikula ay tumutunggali rin sa status quo. 

EGustw7U0AA6woB

Ngunit ito rin ang nagiging kahinaan ng Kaaway sa Sulod. Masyadong metaporikal, lunod sa sariling ideolohiya, na may mga pagkakataong tila echo chamber ang nagiging dating. Kung layunin ng pelikulang makapagmulat ng mga manonood at himukin silang magagap ang kawastuhan ng kilusang isinusulong ng Kaliwa, masyadong mataas na pagkakaisa ang pinanggagalingan ng pelikula. Mahirap makabuo ng pathos sa sinumang karakter nito, walang puntong tumatagos sa puso o kaluluwa kung hindi naman aktibista ang nanonood o kung hindi nakaranas ng pagmamalupit mula sa mga militar. Ang distansyasyon na ito ay sinubukang tawirin nina Barbarona gamit ang shock factor ng isang eksena ng tortyur, pero sa huli hindi pa rin nakakawala sa pagiging spectator lamang ang mga manonood.

Gayumpaman, naibabalanse naman ang mga kakulangan sa screenplay ng mahusay na mga teknikal na aspekto. Sa partikular, mahusay ang staging at komposisyon nina Barbarona at ng co-DP niyang si Bryan Jimenez, gayundin ang angkop na paglalatag ng tunog ni Teresa Barrozo. Namamayagpag ang dalawang ito bilang mga consistent na positibong katangian ng mga pelikula ni Barbarona mula pa noong ginawa niya ang Tu Pug Imatuy, at nakakatuwang napagtatagpo niya ang form at content sa mga gawa niya. Mahusay din ang pagganap ng mga aktor laluna si Dizon, na sa simula’y aakalaing matandang uugod-ugod na ngunit kalauna’y may itinatago pa rin palang bangis at kalupitan.

Epektibo man o hindi ang paraan ng pagkukuwento ng Kaaway sa Sulod, hindi pa rin maitatangging nagbubukas ito ng diskurso hinggil sa ideolohikal at pulitikal na mga pagkakaiba ng GRP-AFP at CPP-NPA. Bihira ang mga pelikulang may tapang na taglay nito, at higit na mahalagang ginawa ang kritika sa militarisasyon sa Mindanao mula sa perspektiba ng isang Mindanaoan filmmaker mismo at kung gayon kahit sa antas na ito pa lamang ay may mga tagumpay nang naaabot ang pelikula. 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s